Tuesday, November 27, 2007

Pagpupugay at pamamaalam

Tumigil muna tayo panandali para mag-usal ng munting dasal para sa kaluluwa ng motoring editor ng Abante at sports editor ng Abante Tonite na si Gilbert Episcope. Sumakabilang buhay siya noong gabi ng Nobyembre 17, Sabado, sa bahay nila sa Fairview, Quezon City.

Buong pusong nakikiramay ang Kuwentong Kalsada sa pamilya Episcope – kay Merque na maybahay ni Gilbert at sa kanilang tatlong anak – at sa buong Monica Publishing Corporation sa biglaang paglisan ng isa sa mga antigo nilang editor. Sabay kaming nagsimula ni Gilbert bilang sportswriter. Simpleng-simple ang karakter ng kaibigan naming ito. Walang kayabang-yabang sa katawan, hindi mahilig pumorma, at napakatahimik. Minsan ay mapapagkamalam mong suplado si Gilbert dahil hindi siya palakibo subalit kapag naging malapit na kayo ay matutuklasan mo na may kakengkoyan din pala ang kumag.

Basketball ang laro ni Gilbert. Siya ang pointguard ng grupo. Pinakapaborito niyang coverage ay ang PBA at Marlboro Tour. Pinakamalaki niyang naging assignment ay ang pagkukober 1990 Beijing Asian Games kung saan lumahok ang all-professional basketball team ng Pilipinas sa pamumuno ni Robert Jaworski.

Huli kaming nagkita ni Gilbert mga tatlong linggo na ang nakararaan. Nagulat ako sa ibinagsak ng katawan niya. Wala naman daw siyang malubhang sakit. Stress lang daw. Itinigil na rin daw niya ang paninigarilyo. Kitang-kita ko sa mata niya na natutuwa siya’t dinalaw ko siya. Masaya ang ngiti sa kanyang mga labi nang magpaalam ako.

Palaisipan ang wala sa oras na pagpanaw ni Gilbert. Pero gaya ng lahat ng mga biglaan ang pagkamatay, isang malinaw na leksyon ang dala nila sa atin. Ang leksyon na maiksi lamang ang buhay at hindi natin masasabi kung kelan, saan at papaano mamatay ang ating mga mahal sa buhay. Kaya naman mahalaga na sabihin at iparamdam natin sa kanila tuwi-tuwina ang ating pagmamahal at pagpapahalaga. Maaari kasing bukas o sa makalawa ay wala na sila.

Bukod kay Gilbert, dalawang tao na biglaan ang pagkamatay ang paksa ng ating usapan sa araw na ito. Kahapon ang ika-40 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Arsenio Laurel at sa araw na ito naman ang ika-14 taong anibersaryo ng pagpanaw ng aking ama na si Alfonso Ocampo. Hayaan n’yong ipakikilala ko sila isa-isa.

Bunsong anak ng Pangulong Jose P. Laurel si Arsenio Laurel. Isa siyang mahusay na abogado na eksperto sa mga kasong may kinalaman sa buwis. Pero nakilala siya ng buong Pilipinas – at ng buong mundo – hindi dahil sa kanyang propesyon. Nakilala siya dahil sa pagiging mahusay niyang karerista. Oo, siya ang pinakamahusay na racecar driver ng Pilipinas at kilala siya ng marami sa mga matatanda nating kababayan bilang Dodjie Laurel.

Kumokonti na ang nakakaalala kay Dodjie sa panahong ito. Kaya naman noong 2005 ay nagsulat ako ng libro para buhayin ang kanyang alaala at gunitain ang itinuturing na glory days ng karera ng kotse sa Pilipinas. Ang librong iyon ay ang Fast Lane na inilimbag ng Automobile Association Philippines.

Pagpupugay kay Dodjie at sa iba pang mga karerista ang Fast Lane. Doon ay ikinuwento ko kung papaano nanalo nang dalawang beses sa Macau Grand Prix si Dodjie at kung ano ang naganap noong Nobyembre 19, 1967 sa huli niyang pagsali sa karera. Linggo iyon at punumpuno ng tagapanood ang mga kalsada ng Macau (sa kalsada lang ginagawa ang karera). Nakakadalawang ikot pa lamang ang mga kalahok nang biglang mawalan ng kontrol ang kotse ni Dodjie. Sumalpok ito sa pader na malapit sa dagat. Sabi ng mga nakasaksi, nawalan ng preno ang sasakyan ni Dodjie at akmang aararuhin ang mga nanonood sa kanan. Subalit binawi ni Dodjie ang manibela kaya’t sa pader na lamang ito dumiretso. Isang malakas na pagsabog ang kasunod ng pagsalpok ng kotseng itim na may numero 32. Sa pagsabog na iyon ay nasawi ang pambansang karerista ng Pilipinas.

Hindi lamang mga Pilipino ang nagdalamhati sa pagpanaw ni Dodjie. Ang Macau na noon ay teritoryo pa ng Portugal ay nagluksa rin. Si Dodjie ang pinakamahusay na kareristang nakita nila. Ito lamang ang nanalo nang dalawang sunod na beses sa pinakamalaki nilang karera. Kaya naman simula noon ay nagkaroon na ng Dodjie Laurel Cup na ibinibigay ng Macau sa sinumang nakakadalawang sunod na panalo sa Grand Prix.

Hayaan n’yo namang magbigay pugay ako kay Alfonso Ocampo sa usapang ito. Hindi siya natutong magmaneho. Ni pagbibisikleta nga ay hindi niya alam. Pero hindi iyon naging hadlang para magsikap siyang umahon sa buhay.

Dose anyos siya nang magpasya siyang umalis sa kanilang lugar sa Pampanga para tumakas sa buhay pagsasaka. Namasukan siya bilang katulong ng kanyang tiyuhin na sastre; kapalit ng kanyang paninilbihan ay ang pag-aaral kung papaano manahi. Nagbinata nga siya at naging sastre rin. Nagtayo siya ng sariling tailoring shop, nakapag-asawa, at nagkaroon ng mga anak. Isa ako sa kanyang limang supling.

Lagi niyang sinasabi sa akin sapul noong ako’y maliit pa na kalimutan ko na raw lahat ng itinuro niya maliban sa isa – “Matuto kang makisama.” Ito ang lagi niyang bilin. Kapag marunong daw kasi akong makisama, sigurado niya, hindi man ako yumaman ay tiyak na hindi ako magugutom. “Matuto kang makisama,” ang lagi niyang paalala.

Lubos ko lamang na naunawaan ang turo niyang ito nang pumanaw siya dahil sa stroke noong Nobyembre 20, 1993. Walang wala kaming pera noon. Hindi namin alam kung papaano siya ipalilibing. Subalit nagdatingan ang marami niyang kaibigan, mga taong pinakisamahan niya, mga taong minsan na niyang natulungan. Isa sa mga iyon ay itinuturing na siga as aming lugar. Naaalala ko pa noong maliit ako, ang siga na iyon ay madalas habulin ng mga gang. Iinatago siya ng aking ama sa ilalim ng aming tulugan at hindi palalabasin hangga’t hindi nakakalagpas ang mga humahabol. Matagal ko na siyang hindi nakikita subalit bigla siyang sumulpot sa burol ng aking ama. Bilang ganti sa mga naitulong ng aking ama sa kanya ay tumulong siya sa paghahanap ng magandang libingan.

Totoo nga ang turo ni ama: Kapag marunong kang makisama, hindi ka mag-iisa!

Iba’t ibang alaala ang iniwan nina Gilbert, Dodjie at ng aking ama. May mga sugat mang nilikha ang kanilang biglaang pamamaalam, tiyak kong hinilom at hihilumin din iyon ng panahon. Ang hindi dapat mawala ay ang kanilang mga pamana – ang tinatawag na legacy – sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at mga kakilala. Si Gilbert ay nag-iwan ng pamanag kasimplehan, si Dodjie ay pagpupursige, at ang aking ama ay nag-iwan ng leksyon kung papano tumulong sa kapwa. Sa pagpupugay at pag-alala natin sa kanila ay alalahanin din natin ang mga pamanang ito.

* * * *

No comments: