Sunday, December 16, 2007

Pag-inom at pagmamaneho

Pitong tulog na lang, Pasko na! Tiyak kong marami sa atin ang dadalo sa mga Christmas party. At siyempre, sa karamihan ng party ay may inuman. Mapapainom tayo, tapos magmamaneho pauwi.

Makauwi kaya tayo nang ligtas?

Naitanong ko ito dahil kapag ganitong panahon, maraming kababayan natin ang naaaksidente. Ganito rin ang sitwasyon sa maraming lugar sa daigdig, lalo na sa Estados Unidos kung saan karaniwan nang dumadalaw sa kanilang mga mahal sa buhay ang mga tao tuwing Pasko. Marami ang naoospital – o namamatay – bago mag-Pasko. At ito ay dahil may mga tao na uminom, nalasing at nagmaneho.

Hindi ko na siguro kailangang isa-isahin pa ang dahilan kung bakit hindi dapat magmaneho kapag nakainom. Alam na marahil ninyo na kapag nakainom ang isang tao – kahit ilang boteng SanMig Light lang o kaya’y ilang shot ng Fundador – ang taong iyon ay nagiging mas agresibo, bumibigat ang paa sa selenyador ng kotse, kaya naman mas nagiging matulin ang sasakyan. Ang problema, ang alkohol na nagpapatapang ay siya ring nagpapabagal sa ating mga reflexes. Madalas, huli na bago natin makita ang concrete barrier, truck na nakaparada sa shoulder, o batang nagbibisikleta sa gilid ng daan.

Sa Amerika, taun-taon ay may kampanya na naglalabas ng mga babala upang paalalahanan ang mga nagmamaneho na huwag uminom. “Think Before You Drink Before You Drive” ang tawag sa kampanyang iyon. May mga advertisement sa TV, radyo at maging sa mga kalsada patungkol dito. Marami sa mga advertisements na iyon ay nakakatakot – may bangkay na sakay ng stretcher, may lalaking naparalisa at sinusubuan na lang para makakain, may batang umiiyak dahil ang tatay niya ay nakasagasa ng kapwa niya bata.

Wala siyempre sa atin ang may gustong mangyari ito sa atin o sa ating mga kamag-anak at kaibigan. Pero bakit marami ang ayaw pa ring papigil sa pagmamaneho matapos uminom?

Noong 1999, may isang lalaking matigas ang ulo na hindi napigil ang sarili na magmaneho matapos ang isang gabing lasingan sa sa party. Habang binabaybay ng lalaking ito ang South Expressway, muntik nang pumasok ang kotse niya sa isang mabagal na trailer truck na walang ilaw sa puwitan. Mabuti’t nakabig pa ng lalaki ang manibela pakaliwa. Yun nga lang, sumabit pa rin ang bubungan ng kotse niya sa trailer na nagresulta sa pagkatanggal ng bubungan at pagkabasag ng mga salamin ng kanyang kotse.

May misyon pa siguro sa mundong ito ang lalaking iyon kaya’t nakaligtas siya sa malagim na aksidente. Kapirasong galos lamang sa kamay dulot ng tumalsik na bubog ang tinamo ng lalaki. Nakauwi pa nga siya sakay ng kanyang naging topdown na kotse.

Kilalang-kilala ko ang lalaking iyon. Araw-araw ay nakakaharap ko siya kapag ako’y nananalamin. At ang payo niya sa lahat – huwag uminom kung magmamaneho.

Sakaling hindi talaga maiwasan ang pag-inom, narito ang ilang payo na maaari ninyong pag-isipan:

1. Huwag ka nang magdala ng sasakyan at mag-taxi na lamang o kaya’y makisabay sa pag-uwi. Siguruhin mo lang na hindi nakainom ang sasabayan mo.

2. Kung marami kayo, magtalaga ng designated driver. Ito yung magmamaneho para sa inyo. Ang designated driver na ito ay hindi iinom sa gabing iyon.

3. Kung dala n’yo naman ang sasakyan at talagang napaimom lang kayo, magpalipas na muna ng kalasingan bago umuwi. Di bale nang sa kotse ka makatulog at abutan ng kapaskuhan– kaysa naman magising ka sa ospital o kaya’y sa kabilang buhay!

Basahin ang iba pang kuwentong kalsada sa http://kuwentongkalsada.blogspot.com. Maari kayong mag-text ng komento’t katanungan sa 0918-9298790. Maging ligtas at makabuluhan nawa ang inyong Pasko!