Tuesday, November 27, 2007

Pagpupugay at pamamaalam

Tumigil muna tayo panandali para mag-usal ng munting dasal para sa kaluluwa ng motoring editor ng Abante at sports editor ng Abante Tonite na si Gilbert Episcope. Sumakabilang buhay siya noong gabi ng Nobyembre 17, Sabado, sa bahay nila sa Fairview, Quezon City.

Buong pusong nakikiramay ang Kuwentong Kalsada sa pamilya Episcope – kay Merque na maybahay ni Gilbert at sa kanilang tatlong anak – at sa buong Monica Publishing Corporation sa biglaang paglisan ng isa sa mga antigo nilang editor. Sabay kaming nagsimula ni Gilbert bilang sportswriter. Simpleng-simple ang karakter ng kaibigan naming ito. Walang kayabang-yabang sa katawan, hindi mahilig pumorma, at napakatahimik. Minsan ay mapapagkamalam mong suplado si Gilbert dahil hindi siya palakibo subalit kapag naging malapit na kayo ay matutuklasan mo na may kakengkoyan din pala ang kumag.

Basketball ang laro ni Gilbert. Siya ang pointguard ng grupo. Pinakapaborito niyang coverage ay ang PBA at Marlboro Tour. Pinakamalaki niyang naging assignment ay ang pagkukober 1990 Beijing Asian Games kung saan lumahok ang all-professional basketball team ng Pilipinas sa pamumuno ni Robert Jaworski.

Huli kaming nagkita ni Gilbert mga tatlong linggo na ang nakararaan. Nagulat ako sa ibinagsak ng katawan niya. Wala naman daw siyang malubhang sakit. Stress lang daw. Itinigil na rin daw niya ang paninigarilyo. Kitang-kita ko sa mata niya na natutuwa siya’t dinalaw ko siya. Masaya ang ngiti sa kanyang mga labi nang magpaalam ako.

Palaisipan ang wala sa oras na pagpanaw ni Gilbert. Pero gaya ng lahat ng mga biglaan ang pagkamatay, isang malinaw na leksyon ang dala nila sa atin. Ang leksyon na maiksi lamang ang buhay at hindi natin masasabi kung kelan, saan at papaano mamatay ang ating mga mahal sa buhay. Kaya naman mahalaga na sabihin at iparamdam natin sa kanila tuwi-tuwina ang ating pagmamahal at pagpapahalaga. Maaari kasing bukas o sa makalawa ay wala na sila.

Bukod kay Gilbert, dalawang tao na biglaan ang pagkamatay ang paksa ng ating usapan sa araw na ito. Kahapon ang ika-40 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Arsenio Laurel at sa araw na ito naman ang ika-14 taong anibersaryo ng pagpanaw ng aking ama na si Alfonso Ocampo. Hayaan n’yong ipakikilala ko sila isa-isa.

Bunsong anak ng Pangulong Jose P. Laurel si Arsenio Laurel. Isa siyang mahusay na abogado na eksperto sa mga kasong may kinalaman sa buwis. Pero nakilala siya ng buong Pilipinas – at ng buong mundo – hindi dahil sa kanyang propesyon. Nakilala siya dahil sa pagiging mahusay niyang karerista. Oo, siya ang pinakamahusay na racecar driver ng Pilipinas at kilala siya ng marami sa mga matatanda nating kababayan bilang Dodjie Laurel.

Kumokonti na ang nakakaalala kay Dodjie sa panahong ito. Kaya naman noong 2005 ay nagsulat ako ng libro para buhayin ang kanyang alaala at gunitain ang itinuturing na glory days ng karera ng kotse sa Pilipinas. Ang librong iyon ay ang Fast Lane na inilimbag ng Automobile Association Philippines.

Pagpupugay kay Dodjie at sa iba pang mga karerista ang Fast Lane. Doon ay ikinuwento ko kung papaano nanalo nang dalawang beses sa Macau Grand Prix si Dodjie at kung ano ang naganap noong Nobyembre 19, 1967 sa huli niyang pagsali sa karera. Linggo iyon at punumpuno ng tagapanood ang mga kalsada ng Macau (sa kalsada lang ginagawa ang karera). Nakakadalawang ikot pa lamang ang mga kalahok nang biglang mawalan ng kontrol ang kotse ni Dodjie. Sumalpok ito sa pader na malapit sa dagat. Sabi ng mga nakasaksi, nawalan ng preno ang sasakyan ni Dodjie at akmang aararuhin ang mga nanonood sa kanan. Subalit binawi ni Dodjie ang manibela kaya’t sa pader na lamang ito dumiretso. Isang malakas na pagsabog ang kasunod ng pagsalpok ng kotseng itim na may numero 32. Sa pagsabog na iyon ay nasawi ang pambansang karerista ng Pilipinas.

Hindi lamang mga Pilipino ang nagdalamhati sa pagpanaw ni Dodjie. Ang Macau na noon ay teritoryo pa ng Portugal ay nagluksa rin. Si Dodjie ang pinakamahusay na kareristang nakita nila. Ito lamang ang nanalo nang dalawang sunod na beses sa pinakamalaki nilang karera. Kaya naman simula noon ay nagkaroon na ng Dodjie Laurel Cup na ibinibigay ng Macau sa sinumang nakakadalawang sunod na panalo sa Grand Prix.

Hayaan n’yo namang magbigay pugay ako kay Alfonso Ocampo sa usapang ito. Hindi siya natutong magmaneho. Ni pagbibisikleta nga ay hindi niya alam. Pero hindi iyon naging hadlang para magsikap siyang umahon sa buhay.

Dose anyos siya nang magpasya siyang umalis sa kanilang lugar sa Pampanga para tumakas sa buhay pagsasaka. Namasukan siya bilang katulong ng kanyang tiyuhin na sastre; kapalit ng kanyang paninilbihan ay ang pag-aaral kung papaano manahi. Nagbinata nga siya at naging sastre rin. Nagtayo siya ng sariling tailoring shop, nakapag-asawa, at nagkaroon ng mga anak. Isa ako sa kanyang limang supling.

Lagi niyang sinasabi sa akin sapul noong ako’y maliit pa na kalimutan ko na raw lahat ng itinuro niya maliban sa isa – “Matuto kang makisama.” Ito ang lagi niyang bilin. Kapag marunong daw kasi akong makisama, sigurado niya, hindi man ako yumaman ay tiyak na hindi ako magugutom. “Matuto kang makisama,” ang lagi niyang paalala.

Lubos ko lamang na naunawaan ang turo niyang ito nang pumanaw siya dahil sa stroke noong Nobyembre 20, 1993. Walang wala kaming pera noon. Hindi namin alam kung papaano siya ipalilibing. Subalit nagdatingan ang marami niyang kaibigan, mga taong pinakisamahan niya, mga taong minsan na niyang natulungan. Isa sa mga iyon ay itinuturing na siga as aming lugar. Naaalala ko pa noong maliit ako, ang siga na iyon ay madalas habulin ng mga gang. Iinatago siya ng aking ama sa ilalim ng aming tulugan at hindi palalabasin hangga’t hindi nakakalagpas ang mga humahabol. Matagal ko na siyang hindi nakikita subalit bigla siyang sumulpot sa burol ng aking ama. Bilang ganti sa mga naitulong ng aking ama sa kanya ay tumulong siya sa paghahanap ng magandang libingan.

Totoo nga ang turo ni ama: Kapag marunong kang makisama, hindi ka mag-iisa!

Iba’t ibang alaala ang iniwan nina Gilbert, Dodjie at ng aking ama. May mga sugat mang nilikha ang kanilang biglaang pamamaalam, tiyak kong hinilom at hihilumin din iyon ng panahon. Ang hindi dapat mawala ay ang kanilang mga pamana – ang tinatawag na legacy – sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at mga kakilala. Si Gilbert ay nag-iwan ng pamanag kasimplehan, si Dodjie ay pagpupursige, at ang aking ama ay nag-iwan ng leksyon kung papano tumulong sa kapwa. Sa pagpupugay at pag-alala natin sa kanila ay alalahanin din natin ang mga pamanang ito.

* * * *

Limang payo para makaiwas sa aksidente

Tiyak na usap-usapan pa rin magpahanggang ngayon ang trahedyang naganap sa pamilya ng dating senador na si Renato Saguisag. Kamakailan ay bumabiyahe ang bagung-bagong Toyota Hiace ng mga Saguisag sa panulukan ng Osmeña Highway (South Superhighway) at Arnaiz Avenue (Pasay Road) nang banggain ito ng isang rumaragasang dump truck.

Namatay kaagad sa aksidente ang misis ni Saguisag na si Dulce habang malubha namang nasugatan si Saguisag, ang driver nilang si Philip at ang kasama nilang dance instructor na ihahatid nila noong gabing iyon.

Giit ng driver ng truck: Siya daw ang may right of way dahil nakailaw pa raw ang berde sa traffic light sa kanto kung saan naganap ang aksidente.

Ayon naman sa ilang nakasaksi ay pula na ang ilaw at hindi pa rin tumigil ang matulin na truck.

Kung sinuman ay may sala sa nasabing trahedya ay hindi na natin pupuntiryahin sa kolum na ito. Pag-aralan na lang natin ang ilang mga leksyon na dapat nating matutunan sa kahit anong aksidente.

Una, lahat ay puwedeng maaksidente. Senador ka man o ordinaryong empleyado, walang pinipili ang aksidente. May 1.2 milyong tao sa buopng mundo ang namamatay taun-taon dahil sa aksidente sa kalsada. Karamihan dito ay mga bata na tumatawid o di kaya’y nagbibisikleta. Ikalawa na dito ang mga nagmomotorsiklo. At ikatlo – pero siyang pinakamalaking balita – ay ang mga pasahero ng bus na sabay-sabay kung mamatay sa aksidente. Huwag maging bahagi ng statistics na ito. Mag-ingat palagi sa pagmamaneho, pagsakay ng mga pampasaherong sasakyan o paglalakad sa kalsada.

Ikalawa, walang ibinubungang mabuti ang matulin na pagmamaneho. Maganda ang mga ipinaskil sa South Expressway noong Undas – Wala Pong Premyo Sa Dulo. Hindi karerahan ang ating mga kalsada. Oo, siguro’y nagmamadali ka, pero hindi iyon dahilan para magmatulin ka ng pagmamaneho. Sa matulin na pagdadrive, inilalagay mo sa peligro hindi lamang ang buhay mo at ng iyong mga pasahero kundi maging ang buhay at ari-arian ng ibang tao.

Akmang halimbawa dito ang naganap kamakailan sa North Expressway kung saan inararo ng isang truck ang isang bahay na nasa gilid ng bakod ng highway. Giba ang bahay at natabunan ang mag-iina na doon ay natutulog. Buti na lamang at nabuhay ang mga biktima. Anong sabi ng driver? Sumabog daw ang gulong niya at hindi na niya nakontrol ang sasakyan. Siguradong matulin siya kaya’t hindi tumigil ang truck kahit pa dumaan na ito sa hindi sementadong bahagi ng highway.

Ikatlo, hindi porke’t berde na ang ilaw ay puwede ka nang tumawid. Maraming drivers – lalo na sa hatinggabi – ang inaantok. Kaya naman malaki ang posibilidad na hindi sila kaagad makahinto lalo pa’t sa matuling kalsada gaya ng South Expressway sila nanggaling. Lumingon muna sa magkabilang bahagi ng tatawirang kalsada bago paandarin ang sasakyan.

Ikaapat, huwag nang magmaneho kung pagod, lasing o inaantok. Ipaubaya na lamang sa iba ang manibela kung hindi na kaya.

Panghuling payo – magdasal muna bago bumiyahe. Kahit anong pag-aaral at pagsasanay ang gawin mo, at kahit anong ingat mo, kung hindi ka iingatan ng Bossing natin sa Itaas ay maaksidente ka pa rin. Nasa Kanya ang ating buhay at Siya ang dapat nating maging Gabay. Siyempre, huwag kalimutang magpasalamat kapag nakarating ka ng maayos sa iyong pupuntahan.

Araw-araw ay may nababangga, napipilay, napuputulan ng kamay at paa o di kaya’y namamatay sa ating mga kalsada. Hindi man sila kasing popular ng misis ni Saguisag, sila ay babala sa atin na ang pagmamaneho ay isang napakadelikadong gawain na hindi dapat binabale-wala. Dapat natin itong gawin nang maingat at may pasasalamat. Hindi ito karapatan kundi pribilehiyo. Pinagkatiwalaan tayong magmaneho, kaya naman gawin natin ito nang tama para ikabubuti at kaligtasan ng lahat.

* * * *

10 paraan para makatipid sa gasolina

Malapit nang dumating ang kinatatakutan ng marami – ang pag-abot sa $100 kada bariles ng langis sa world market. Dati’y tila napakaimposible nito pero nang magtuluy-tuloy ang pagtaas ng langis – mula $30 at $40 noong 2004, na umakyat sa $50 at $60 noong 2005, hanggang umabot nga sa $96 noong Nobyembre 1, 2007 – ay tila nawalan na ng pag-asa ang mga eksperto na ito’y bababa pa.

Iisa lang ang ibig sabihin nito: Posibleng umabot sa P50 kada litro ang gasolina bago matapos ang taon. Kapag nangyari ito, ito na ang magiging pinakamataas na presyong naabot ng gasolina sapul nang maimbento ang kotse.

Dahil dito, kailangang magtipid tayong lahat. Ika nga, matuto munang mamaluktot habang maiksi ang kumot.

Pero papaano tayo magtitipid?

Kinonsulta namin ang mga eksperto sa SEAOIL Philippines at binigyan nila kami ng 10 paraan para makapagtipid sa gasolina:

1. Planuhing mabuti ang bawat lakad. Malaki ang nasasayang sa paisa-isang biyahe. Kung mai-schedule ang mga lakad para isang pasada na lang ang kailangan, makakatipid nang halos 50 porsiyento sa konsumo ng gasolina.

2. Mag-commute na lang kung maaari. Sa mga bumabiyaheng mag-isa, higit na matipid ang sumakay ng jeepney, bus o LRT kaysa magkotse. Makakatipid na sa gasolina at bayad sa parking, kadalasan ay mas mabilis pa! Kung malapit lang naman ang pupuntahan, maglakad na lamang o kaya’y magbisikleta. Makakatipid ka na, exercise pa!

3. Subukan ang carpooling. Kung may mga kaopisina kang de-kotse rin kung pumasok, mag-usap-usap na lamang kayo at maghatiran. Kung lima kayo, isang beses lamang ninyo gagamitin ang inyong sariling kotse sa loob ng isang linggo! Mas magiging close pa kayong lima!

4. Sa mga hindi talaga makabitiw sa kanilang kotse, umiwas na lamang sa rush hours. Malaking bahagi ng gasolina ang nasasayang dahil sa trapik kaya ipinapayo na bumiyahe ng mas maaga o mas gabi kung maaari.

5. Ipa-tune up ang sasakyan at regular na magpalit ng air filter. Ang wala sa kondisyon at hindi makahingang makina ay malakas kumonsumo ng gasolina – mausok pa!

6. Magkarga ng gasolina sa gabi at seguruhing mahigpit ang pagkakasara ng inyong fuel cap. Ang gasolina ay nagi-evaporate sa init. Unti-unti rin itong nauubos dahil sa maluwag na fuel cap.

7. Huwag maging kaskasero sa pagmamaneho. Malakas kumonsumo ng gasolina ang pasingit-singit sa mga sasakyan at pakikipaghabulan sa traffic light. Maging suwabe sa pagda-drive at tiyak na suwabe rin ang konsumo mo.

8. Sa mga bibili pa lamang ng kotse, pumili ng matipid sa gasolina. Ang mga lumang sasakyan ay mas malakas kumonsumo kaysa mga bago. At siyempre, ang mga malalaking SUV at mga de-sais o de-otsong kotse ay mas malakas din lumamon ng gas.

9. Subukan ang motorsiklo. Hindi totoo ang sinasabi ng matatanda na delikado ang motorsiklo. Delikado lamang ito kung hindi magsasanay at walang disiplina ang nagmomotor. Kung may sapat namang pagsasanay at disiplina ang may-ari ng motor, tiyak na ligtas ang kanyang biyahe – at tipid pa siya sa gasolina at oras.

10. At panghuli, magkarga sa Seaoil. Seaoil ang may pinaka-value-for-money na gasolina sa panahong ito. Ang kanilang G5 Extreme ay may mataas na octane rating pero mas mura. Kung diesel naman ang karga mo, mas maganda rin sa Seaoil dahil ang kanilang Loyal Biyahero discount lane ay bukas sa lahat ng sasakyan at hindi lamang sa mga jeepney. May 116 stations na ang Seaoil sa buong bansa at naghahanda na nga ang All-Filipino company na ito na mag-initial public offering o magbenta ng stocks sa publiko upang lalo pang makapag-expand. Naniniwala kasi ang Seaoil na ang bawat krisis ay may kaakibat na oportunidad. Taong 1978 sila nagsimula – panahon ng Middle East Oil Crisis. At ngayong 2007 – panahon ng pinamakamahal na langis – ay mas lalo silang agresibol. Alam ng Seaoil na sa panahong ganito ay mas kailangan sila ng mga Pilipino.

* * * *

Init ng ulo sa pagmamaneho

Sa Huwebes ay muli na naman nating gugunitain ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw na. Nais kong alalahanin sa kolum na ito ang dalawang tao na kamakailan lamang ay napatay dahil lamang sa gitgitan sa kalsada.

Ang tinutukoy ko ay sina Edgardo “Ed” Cañizares at Katherine “Kay” Palmero, ang dalawang biktima ng pamamaril sa Shaw Boulevard, Pasig pagkapananghali ng Oktubre 2, 2007.

Parehong empleyado ng kumpanyang Total Information Management (TIM) Corp. ang dalawa. Vice president ang 49 anyos na si Ed at analyst naman ang 26-anyos na si Kaye. Si Ed ay nag-oopisina sa headquarters ng TIM sa South Superhighway sa Makati habang si Kaye ay nakadestino sa Singapore.

Sinundo ni Ed si Kaye sa airport noong tanghaling iyon at papunta sila sa isang meeting nang makagitgitan ng kanilang Nissan Cefiro ang Toyota Corolla ng abogadong si Manito Hernandez, empleyado ng Pasig City Hall.

Ayon sa mga naglabasang balita, nag-unahan ang dalawang sasakyan sa kanto ng Shaw Boulevard at Gen. Roxas sa Barangay San Antonio, Pasig. Nasingitan umano ng Corolla ang Cefiro na naging dahilan kung bakit nag-init ang ulo ni Ed. Lumabas ito ng kotse at akmang pupukpukin umano ang windshield ng Corolla.

Sa puntong iyon ay nagbaba ng bintana si Manito, naglabas ng 9mm na baril, at nagpaputok. Sapul si Ed. Nang bumulagta ito, napabalikwas si Kaye para sumaklolo. Pero imbes na tumalilis, nagpaputok uli si Manito.

Kapwa namatay habang isinusugod sa Medical City ang dalawang biktima habang tumakas naman ang namaril na mabilis ding nahuli ng mga awtoridad.

Hindi tayo maghuhusga sa kasong ito – tungkulin iyan ng ating mga huwes. Nais lamang nating alalahanin ang dalawang biktima – sina Ed at Kaye -- na ngayon ay kasama na listahan ng mga biktima ng init ng ulo sa pagmamaneho.

Wala akong gaanong impormasyon patungkol kay Ed maliban sa siya’y may asawa at mga anak. Kay Kaye ako mas maraming kuwento. Apo siya ng chancellor ng Angeles University na si Manny Angeles. Panganay sa pamilya, si Kaye ay mabait na ate sa kanyang mga kapatid. Ipinagtatanggol niya ang mga ito sa mga umaapi. At siya rin ang nagda-drive para sa mga kapatid kapag gusto ng mga itong mamasyal. Kaya naman napakasakit sa kanyang pamilya ang biglaan niyang pagpanaw.

Sa kanyang libing sa Loyola Memorial Park, dumalo ang mga kaibigan ni Kaye na mas kilala siya bilang “Atch.” Nagpasya naman ang kanyang pamilya na i-donate ang kanyang mga mata sa Eye Bank. Baka raw makatulong ito upang mahanap nila ang katarungan para sa kanya.

Sa Huwebes, isama natin sa ating mga panalangin ang kaluluwa nina Ed at Kaye pati na rin ang mga sumusunod:

--- Generoso Miranda, optometrist. Binaril siya ng kapitan sa Navy na si Eladio Tangan noong Disyembre 1, 1984 sa Maynila dahil din sa gitgitan sa daan.

--- Eldon Maguan, engineering student ng La Salle. Nagkamali siya ng pagda-drive at napasok sa isang kalsadang one way sa San Juan noong Hulyo 2, 1991. Muntik na niyang mabangga ang kotse ng negosyanteng si Rolito Go. Dahil dito ay binaril siya ni Go.

--- Feliber Andres, maybahay ni Noel Andres. Palabas na ng Loyola Memorial Park sa Marikina noong Oktubre 31, 1998 ang Tamaraw FX ng pamilya Andres nang muntik na nitong masagi ang sasakyan ni Inocencio Gonzales. Naghabulan pa ang dalawang sasakyan at nang magkomprontasyon, bumunot ng baril si Gonzales at nagpaputok. Tinamaan ang buntis na si Feliber at nadaplisan ang kanyang dalawang anak na sina Kenneth at Kevin. Nailuwal pa ni Feliber ang kanyang dinadala bago siya binawian ng buhay.

-- Jay Llamas, law graduate. Nagmamaneho sa Pasay si Jay noong Enero 10, 2003, nang may makagitgitan siyang motorsiklo. Bumunot ng baril ang nakamotor at pinaputukan siya. Namatay siya sa loob ng kanyang kotse.

Nawa, ang alaala ng mga biktimang ito ay magturo sa atin na walang ibinubungang maganda ang init ng ulo sa pagmamaneho. Sa mga ganitong kaso, walang panalo, lahat talo!

* * * *

Papano magmumukhang bago ang loob ng sasakyan mo?

Wala nang sasarap pa sa pakiramdam ng brand new na kotse. Mula sa amoy, sa kinis ng upholstery, sa swabeng takbo ng makina, lakas ng aircon, at walang kahit katiting na kalampag – haay, sarap!

Kaya lang, mahal talaga ang brand new na kotse. At kahit pa siguro makabili kayo ng brand new ngayon, ilang taon lang ay tiyak na hindi brand new ang amoy, kinis at takbo ng inyong sasakyan.

Kaya naman nagsulputan ang mga negosyo na ang iniaalok na serbisyo at produkto ay pagmukhaing bago ang sasakyan n’yo.

Isa na diyan ang Seatmate. Sa mga sumasali sa car shows, kilalang-kilala ang Seatmate dahil dito kadalasan dinadala ang mga sasakyan para gawing bago ang interior.

Mahigit isang taon ko na ring kaibigan ang may-ari ng Seatmate – si Rommel San Pedro. Nagsimula siya bilang working student sa UE noong dekada 70. Noong una’y nag-ahente siya para sa isang kamag-anak, nagbenta ng iba’t ibang produkto sa mga tindahan. Nang lumaon, napansin niya na may demand para sa seatcovers ng kotse – yun bang gawa sa corduroy na ibinabalot sa upuan.

Hindi mananahi si San Pedro. Pero natuto siyang mag-disenyo ng seatcovers at ipinatatahi niya iyon sa isang kakilala niya. Karamihan ng mga umoorder sa kanya ay nagtatrabaho sa Makati. Ang ginagawa niya noon ay dadalhin niya ang seatcover pagpasok sa eskuwelahan at didiretso na siya sa Makati pagkatapos ng klase para naman ikabit sa kotse ng kanyang customer ang nayari nang seatcover.

Sipag, tiyaga at determinasyon ang naging puhunan ni San Pedro. Kaya naman ngayon, malaki na ang kanyang Seatmate na pinipilahan ng mga customer sa Mandaluyong at Antipolo.

Sa mga nagnanais pagmukhaing bago ang loob ng kanilang kotse, ang pinakamadaling paraan ay bumili ng seatcover sa Seatmate. Kung hindi problema ang pera, puwede ring ipabago nang buo ang upholstery. Puwedeng gawing genuine leather ang upuan, sidings, at maging ang ceiling. Ang presyo ay depende sa materyales na gagamitin. Pinakamahal siyempre ang genuine leather.

Para naman sa mga may bagong kotse pero hindi kuntento sa pagkakaayos ng upuan, puwede rin kayong pumunta sa Seatmate. Isa sa pinakamabiling produkto ni San Pedro ay ang tinatawag na “walk-through” para sa Toyota Innova. Binabago niya ang upuan sa 2nd row para magkaroon ng daanan sa gitna papunta sa 3rd row. Last year pa inintroduce ni San Pedro ang produktong ito. This year ay gumaya na ang Toyota at iniaalok na ito bilang option.

Maraming dinadala kay San Pedro na mga vintage cars. Dito siya eksperto. Yung mga kotse nga ng TV host na si Maverick ay siya ang nagpaganda. Ginawa niyang puti ang leather na upuan, manibela at maging ang dashboard. Walanghiya! Retrong-retro ang dating!

Kung kating-kati na kayong ipabago ang loob ng kotse ninyo, bumisita na sa Seatmate sa kanto ng Martinez at Sto. Rosario sa Mandaluyong (malapit sa rotonda). Maaari ring tumawag muna sa 521-1299 para hindi maligaw.

* * * *

Insurance, mas kailangan sa motorsiklo

“Huwag kang magmomotorsiklo. Kapag nakamotor ka, parang ang isang paa mo ay nasa hukay na.”

Ilang beses na ba nating narinig ang babala na ito mula sa ating mga lola, mga ina, mga ama, mga asawa, at maging sa ating kapitbahay na tsismosa?

Maraming beses na. Pero dahil sa grabeng trapik, taas ng presyo ng gasolina, at hirap magkaroon ng kotse sa Pilipinas, marami sa atin ang hindi napigil magmotorsiklo.

Patunay diyan ang may tatlong milyong motorsiklo na rehistrado sa Land Transportation Office ngayon. Natatandaan ko pa, apat na na taon ang nakararaan ay wala pa ni isang milyon ang “single” na motor sa Pilipinas. Mas marami dati ang tricycle at karamihan ng solong motor ay gamit ng mga mensahero. Ngayon, dalawa sa tatlong motorsiklo sa bansa ay “single” at patuloy pang dumarami.

Kasabay ng pagdami ng motorsiklo ay ang pagtaas ng aksidente. Kada makalawang araw yata ay may napapanood tayo sa telebisyon na aksidente sa motor – kesyo nabunggo ng truck, nadulas dahil matulin, o naggitgitan na dalawang motor at nagkabanggaan.

Naitanong ko tuloy sa ating mga kaibigan sa industriya ng insurance kung nai-insure na ba ang mga motorsiklo.

“Oo,” ang mabilis na sagot ni Mon Dimacali, pangulo ng Philippine Insurers and Reinsurers Association (PIRA), ang samahan ng mga non-life insurance companies sa bansa. “Sa amin nga sa Federal Phoenix (ang kumpanyang pinamumunuan niya), may 20,000 motorcycles na ang insured. Kailangan nga lang puro brand new.”

Ipinaliwanag ni Mon na kaya brand new lamang ang kanilang ini-insure ay dahil kadalasan binili ang mga ito nang utang sa mga dealers. Sakop ng insurance ang “theft” at “collision damage”. Ang ibig sabihin, papalitan ng insurance company ang motorsiklo sakaling manakaw at ipapaayos naman sakaling mabangga (papalitan din sakaling ma-total wreck).

Umiling si Mon Dimacali nang itanong ko kung ini-insure na rin nila ang mga taong nagmomotor. “Marami pa kasing violations eh. Marami sa mga nagmomotor ang hindi naghehelmet. Marami ang nakainom,” aniya.

Napakaimportante ng “personal accident insurance” sa mga nagmomotor. Sabi nga ng ating mga lola, ina, ama, asawa at kapitbahay na tsismosa, parang nasa hukay na ang isa nating paa kapag nagmomotor tayo. Kaya naman mas lalong kailangan ang insurance.

Biglang kumambyo naman si Mon. May pag-asa daw ma-insure ang mga nagmomotor kung sila ay kabilang sa mga motorcycle clubs. “Group insurance” ang tawag dito. At sa ganitong klase ng insurance, hinihikayat ang miyembro ng club na maging disiplinado, laging magsuot ng helmet at iba pang proteksyon, at huwag uminom ng kahit anong nakalalasing bago magmotor.

Sa ganitong paraan, nababawasan ang “risks” sa panig ng insurance company. At dahil mas konti ang posibilidad na mamatay ang insured, mas mababa ang premium na dapat bayaran.

Sakaling may mga motorcycle clubs na interesadong magkaroon ng group insurance, i-text n’yo lamang ako sa 0918-9298790 at tutulungan ko kayo na makakuha ng pinakamura at pinakamagandang coverage para sa inyong mga miyembro.

Alam nating lahat – delikado ang pagmomotorsiklo. Kaya importante na tayo’y nakaseguro!

* * * *

Mga katanungan sa CTPL

Inulan ng mga tanong ang aking cellphone matapos kong talakayin ang paksa ng insurance sa kotse sa kolum na ito noong nakaraang linggo. Karamihan ng mga tanong ay patungkol sa nasasakop ng coverage ng CTPL insurance. Malinaw na hindi lubos na naiintindihan ng publiko kung ano ang covered sa ilalim ng CTPL. Kaya naman napakaimportante ng Insurance Consciousness Week na isasagawa sa bansa sa Oktubre 15-19.

Para sa mga hindi nakakaalam, ang CTPL o Compulsory Third Party Liability insurance ay binibili ng may-ari ng sasakyan sa tuwing ipaparehistro niya ang kanyang sasakyan. Pinuprotektahan nito ang may-ari sa perwisyong maaaring idulot ng aksidente ng kanyang sasakyan sa ibang tao. Ang ibig sabihin, ang babayaran ng insurance ay ang ibang tao – hindi ang may sasakyan. Hindi nito sakop ang pasahero sa sasakyan. Hindi rin nito sakop ang sinumang kamag-anak ng may-ari o maging ang kanyang mga tauhan sa negosyo.

Kamatayan (death) at pinsala sa katawan (bodily injury) lamang ang sakop ng CTPL. Sakaling mamatay ang naaksidente, babayaran ng insurance company ang pamilya nito ng P100,000. Sakaling mapilayan o maputulan ng anumang bahagi ng katawan ang naaksidente, may kaukulang kabayaran din na hindi dapat lumagpas sa P100,000.

Iba ang kaso kapag pampublikong sasakyan ang naaksidente. Sa mga sasakyang gaya ng jeepney, bus o FX, pati mga pasahero ay nasasakop ng CTPL. Kailangan lamang na legal ang papeles ng sasakyang naaksidente. Kailangang may prangkisa ito sa LTFRB. Kung colorum ang sasakyan, walang makukuha ang mga pasahero sakaling sila ay maaksidente.

Importante ang CTPL sa may-ari ng sasakyan dahil ang insurance company kadalasan ang nagpipiyansa sa driver matapos ang aksidente. Kung walang CTPL, nakukulong nang matagal ang driver o di kaya’y tumatakbo na lamang ito. Kadalasan sa mga kasong hit-and-run, ang sasakyan ay hindi rehistrado at wala ring CTPL.

Bakit nadi-deny kung minsan ang claims ng CTPL? Mababasa sa likod ng CTPL policy (ito yung nakaplastic na nakatuping papel kasama ng rehistro ng sasakyan) na hindi babayaran ng insurance ang aksidente kung ang pribadong sasakyan ay ginamit na pampasada. Hindi rin babayaran kung ang driver ay lasing. At lalong hindi babayaran kung ang driver ay walang lisensya o kaya’y expired na ang lisensya.

Hindi sakop ng CTPL ang property damage kaya naman huwag na kayong umasa na makakakubra sa insurance upang ipambayad sa nasagi n’yong kotse. Pero puwede kayong magpadagdag ng property damaga sa CTPL coverage ninyo. Konting dagdag lang naman sa premium ang kailangan at covered na kayo.

Mahalagang pag-aralan natin ang mga bagay sa insurance upang hindi tayo maloko. Dahil dito, ang mga kumpanya ng insurance sa bansa na bumubuo sa Philippine Insurers and Reinsurers Association (PIRA) ay bumuo ng radio program. Ang SIGURADO KA program tuwing Sabado, alas dose hanggang ala una ng tanghali sa DWIZ (882khz AM band), ay tumatalakay sa lahat ng may kinalaman sa insurance. Si Rolly “Lakay” Gonzalo po ang anchor ng programa at ang inyong lingkod naman ang co-anchor at executive producer. Tumutok po kayo sa programang ito at sigurado kong marami kayong matututunan.

* * * *

Bakit mahalaga ang insurance sa kotse?

Sa Oktubre 15-19 ay ipagdiriwang ng Pilipinas ang taunang Insurance Consciousness Week. Sa linggong iyon ay pag-uusapan ang kahalagahan ng insurance sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Isa sa mga tatalakayin ay ang insurance sa sasakyan.

Dalawang klase ang insurance para sa mga sasakyan. Ang una’y ang tinatawag na TPL o third party liability. Ito ay proteksyon ng ibang tao sa perwisyong maaaring idulot sa kanila sakaling maaksidente ng sasakyang naka-insure. Ang ibig sabihin, dito kukunin ang pambayad sa mga namatay o nasaktan sa aksidente.

Sa Compulsory TPL (CTPL) o yung TPL na kailaangang bilhin sa tuwing magpaparehistro ng sasakyan ay bodily injury lamang ang binabayaran. Hindi sakop ang property damage kaya mura lang ang premium. Dahil dito, hindi babayaran ng insurance ang sasakyan o anumang property na nasira matapos mabangga ng insured. Pero maaaring kumuha ng karagdagang TPL coverage para sa property damage. Siyempre, may karagdagang premium din.

Ang ikalawang uri ng car insurance ay ang tinatawag na Comprehensive. Sakop nito ang lahat ng masamang bagay na puwedeng mangyari sa sasakyan, mabangga man ito o ma-carnap. Ang hindi lamang sakop nito ay ang tinatawag na “acts of God” gaya ng bagyo, baha at lindol. Pero gaya ng karagdagang TPL, maaaring kumuha ng additional coverage para sa acts of God sa pamamagitan ng pagdaragdag ng premium.

Bakit importante ang car insurance?

Ang una at pinakamalaking dahilan kung bakit importante ang car insurance ay dahil hindi simple ang pagmamay-ari ng sasakyan lalo pa sa Pilipinas. Laging nandiyan ang panganib, hindi lamang sa mga kalsada kundi maging sa mga lugar na iniisip na nating ligtas. May kaibigan nga ako na nasa garahe lang ang kotse nang masira ito ng baha. Nagkaroon ng flash flood sa kanilang lugar habang nasa abroad siya at nalubog ang kotse. Dahil hindi covered ng kanyang insurance ang acts of God, kinailangan ng kabigan ko na gumastos nang malaki para magpalit ng computer box na siyang sinira ng tubig.

Ang ikalawang dahilan kung bakit importante ang insurance sa sasakyan ay ito -- hindi lahat ng nagmamaneho sa Pilipinas ay may sapat na kasanayan. Narinig na ninyo marahil ang katwirang “Bakit pa ako magpapa-insure eh maingat naman ako mag-drive?” Ang sagot ko diyan ay, oo, maingat ka nga mag-drive, pero yung ibang tao eh hindi naman maingat. Papaano kung sila ang bumangga sa iyo? Papaano kung wala silang insurance (na siyang kadalasang kaso)? Papaano ka maghahabol? Magdedemanda ka sa korte? Malamang ay nabulok na sa kalawang ang nabangga mong kotse eh hindi ka pa nababayaran ng nakabangga sa iyo.

Gaya ng ibang uri ng insurance, nararamdaman lang ang importansya ng insurance sa sasakyan kapag naaksidente na. At kadalasan, huli na ang lahat. Nasasabi mo na lang ng may sasakyan na sa susunod ay magpapa-insure na siya, na sa susunod ay hindi ka na siya magtitipid sa hindi dapat pagtipiran. Nasa huli nga talaga ang pagsisisi.

* * * *

Si CB at ang pagiging makasarili ng pagmomotorsiklo

Dati akong nagmomotor. Sinasabi kong dati dahil ibinenta ko na ang aking motorsiklo – isang big bike na Honda CB 750. Nagpagawa kami ng bahay kamakailan at para ipandagdag sa gastos, ibinenta ko muna si “CB” (ito ang palaway na ibinigay ko sa aking motorsiklo). Medyo masakit na bitiwan ang isang sasakyang gustung-gusto mo. Para ko siyang kaibigan. Mahaba-haba na rin ang aming pinagsamahan. Marami na rin kaming napuntahan. At may iba’t ibang karanasan na rin kaming dinaanan.

Pero kailangan ko siyang bitiwan.

May isang napakaimportanteng rason ang nagtulak sa akin para idispatsa si CB at kalimutang panandali ang pagmomotorsiklo. Minsang umuwi ako nang gabing-gabi (tumirik kasi si CB sa expressway), nadatnan kong nagmumukmok ang aking asawa. At napansin ko na parang kakaiyak lang niya.

“Anong nangyari?” tanong ko. “Wala,” ang sagot niya, halatang may ikinukubli. Nagpumilit ako. Kailangan kong marinig ang naiisip niya. Mga ilang minuto pa ay nagsalita na siya.

“Ang selfish mo kasi eh. Ang selfish niyang pagmomotor mo!” ang bulalas niya. Natulala ako. Hindi ako makapniwala. Papaanong nagging “selfish” ang pagmomotor ko? Isang mahabang litanya ang isinagot niya:

“Hindi mo na inisip ang pakiramdam ko sa tuwing magmomotor ka. Kung puwede lang mamatay sa nerbiyos, namatay na siguro ako. Hindi mo na inisip kami ng mga anak mo. Papaano kung may mangyari sa iyo? Oo, nag-iingat ka pero papaano kung iyong ibang sasakyan ang bumunggo sa iyo? Papaano na kami?”

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Noon ko napagtanto – tama ang aking asawa. Papaano nga naman kung may mangyari habang tinatahak ko ang South Luzon Expressway mula Maynila hanggang Calamba? Papaano kung may isang bus na mawalan ng preno at mabunggo ako? Papaano kung ako naman ang makasagasa ng kahit isang bato sa SLEX?

Gaya ng karamihan ng mga nagmomotor, wala akong life insurance. Meron akong kakarampot na personal accident insurance pero sapat lang iyon para pampalibing. Walang makukukuha doon sakaling maospital ako at maratay nang matagal. Ako pa naman ang “bread winner” ng pamilya – ang solong kumikita. Tiyak na lulubog sa utang ang buo kong angkan sakaling may mangyaring masama sa akin.

Ibinenta ko si CB. Nang makaluwag-luwag ay kumuha ako ng life insurance. Pero sa tuwing may makakasabay ako ng nagmomotor sa SLEX, naiisip ko pa ring magmotor.

“Saka na,” sabi ko sa sarili ko. Pag sapat na ang life insurance ko. Pag malalaki na ang mga anak ko. At pag handa na ang aking asawa na tanggapin na mahirap tanggalin sa sistema ng isang biker ang pagmomotor. Ika nga sa English – Once a biker, always a biker. Maintindihan nawa sana niya ako pagdating ng araw na iyon.

* * *

Pinoy drivers, wala raw disiplina?

Nang bumisita ang Formula One driver na si Jenson Button sa Pilipinas may ilang taon na ang nakararaan, pinalad ako na makasama sa grupong sumundo sa kanya sa airport. Habang nasa sasakyan papunta sa Makati, hindi naiwasan ni Jenson na luminga-linga at tingnan ang daloy ng sasakyan. Agad niyang pinansin ang tila kawalan ng sistema sa kalsada – mga jeepney na nagsasakay at nagbababa ng pasahero kung saan-saan; mga bus na bigla na lang lalabas ng lane para umovertake; at mga motorsiklo na tila ahas kung magpasingit-singit sa masikip na trapik.

Napansin kong marahang iniiling ni Jenson ang kanyang ulo at di ko napigil na tanungin siya: “Jenson, would you dare drive here?”

“Nah,” ang mabilis niyang sagot. “It would be suicide to drive on your streets.”

Madalas nating naririnig ang komento mula sa mga banyaga na tayong mga Pilipino raw ay walang disiplina sa pagmamaneho. Hindi raw tayo marunong sumunod sa batas trapiko. Hindi raw natin alam ang kahulugan ng mga guhit sa kalsada. At gusto raw natin ay laging tayo ang nauuna.

Madalas ding pinupuna ang mga kababayan nating drivers ng public utility vehicles. Ang tinutukoy ditto ay ang mga kaibigan nating nagmamaneho ng jeepney, bus at taxi bilang pang-araw-araw nilang hanapbuhay. Barumbado raw ang mga ito kapag hawak na ang manibela.

Kumukontra sa obserbasyong ito si Daisy Jacobo, ang kaibigan nating nangangasiwa sa driver’s education sa Land Transportation Office. Sa kuwentuhan namin mga ilang taon na rin ang nakakaraan, naaalala ko na sinabi niyang hindi likas na barumbado ang mga PUV drivers.

Paliwanag ni Daisy: “Ang boundary system na pinapairal sa ating mga PUV sang may kasalanan kung bakit ganyan magmaneho an gating mga drivers. Kapag hindi naka-boundary ang isang driver, wala siyang kikitain. Kaya banat siya nang banat sa kalsada dahil kung hindi, uuwi siyang walang pera.”

Para kay Daisy, higit na barumbado ang mga kunwang edukadong drivers na sakay ng mga mamahaling kotse. “Yung mga jeepney o bus drivers, kapag hinuli mo ay hihingi agad ng dispensa dahil alam nilang mali sila. Yung mga mamahaling kotse ang dala, kapag hinuli mo eh minsan mumurahin ka pa,” aniya.

Kung mawawala umano ang boundary system sa ating mga pampublikong sasakyan, mas madaling mapapasunod ng mga pulis trapiko ang mga PUV drivers. Maging ang mga operators daw ay magkakaroon ng kapangyarihan sa pagdidisiplina ng drivers nila. Ang tanong nga lamang ay kung anong sistema ang dapat gamitin bilang kapalit ng boundary system.

Hindi namin napagkuwentuhan ni Daisy kung ano ang magandang sistema. Marahil ito ang dapat pag-aralan ng ating mga senador at congressman imbes na puro kurakot ang inaatupag nila. Lung totoong boundary system ang sanhi ng kawalan ng disiplina ng mga PUV drivers, dapat ay ipinagbabawal na ito at pinapalitan ng mas angkop na sistema kung saan pareho pa ring kikita ang driver at ang operator niya.

Bago pa magkamatayan sa ating mga kalsada!

* * * *

Ang jeepney, bow!

Kinilala na ito sa buong mundo. Naidisplay na sa Europa, Amerika at iba’t ibang lugar sa Asya. Pruweba raw ito ng pagiging malikhain nating mga Pilipino.

Ang tinutukoy ko ay walang iba kundi ang jeepney, pang-araw-araw na sasakyan sa Pilipinas. Produkto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, galing ito sa mga sasakyang iniwan ng mga Amerikano na may tawag na “GP” (General Purpose). Sa “GP” nanggaling ang taguring jeep. Noong una’y eksaktong sasakyan ng mga Amerikano ang hitsura nito, pinahaba lang at nilagyan ng dagdag na upuan. Paglipas ng panahon, nabago ito unti-unti.

Si Leonardo Sarao siguro may pinakamaraming nabuong jeep sa Pilipinas. Dating kutsero na natutong magmekaniko, naisipan niyang magtayo ng pabrika ng jeep pagkatapos ng giyera. Bilang pagpupugay sa dati niyang hanapbuhay, nilagyan niya ng mga istatwa ng kabayo ang hood ng kanyang mga sasakyan na paglaon ay siyang naging trademark ng mga ito.

Isang empleado ni Sarao – si Anastacio Francisco – ang nagkainteres din sa paggawa ng jeep. Itinayo niya ang Francisco Motors na naging malaking pabrika rin ng iba pang sasakyan.

Ang jeepney ay testamento ng pagiging masinop ng mga Pilipino. Mga sobrang parte ng iba't ibang sasakyan ang pinagsama-sama para makabuo ng jeepney. Alam nating mga Pilipino kung gaano kahirap mabuhay noong giyera. Kaya naman hindi tayo basta-basta nagtatapon.Basta puwede pang maayos, puwede pa!

Sa ganitong mentalidad dumami ang jeepney. Mga makinang ibinasura na sa Japan ay kinukondisyon, isinasalpak sa chassis na gawa sa bakal, lalagyan ng kaha na gawa sa yero, kakabitan ng lumang transmission, differential, manibela, ilaw na galing din sa lumang sasakyan, ni-recap na gulong, reconditioned na baterya, pagkadaka'y pipinturahan, lalagyan ng upuan, at presto, jeepney na!

Ang jeepney ay extension ng bahay at buhay ng operator nito. Nakasulat kadalasan sa kisame nito ang mga pangalan ng asawa’t mga anak ng operator. Madalas pa ay nakatitik sa tapalodo sa likuran kung papaano ito nabili (Katas ng Saudi).

Dahil extension ng bahay, nilalagyan ang jeepney ng makukulay na artworks. May mga dibuho ng kabukiran, cartoons, at rock bands. Kinakabitan din ito ng malalakas na stereo na may dagdag pang booster.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng iba’t ibang anyo ang jeep. Sa Cebu at Iloilo, may mga jeep na mukhang Civic at Starex.

Mahigit anim na dekada na nating kasama ang jeepney. May nagsasabi na dapat na raw itong i-phaseout -- mausok na kasi madalas nang masira. Marami ang tumututol siyempre. Dapat daw ay bigyang suporta ng gobyerno ang mga gumagawa ng jeepney para masagip ang simbolong ito ng Pilipinas.

Kumonti man ang jeepney ay tiyak na hindi ito mawawala. Gaya ng rickshaw sa Japan, tuktuk sa Thailand, carriage sa England, o karitela sa Binondo, mananatili ang jeepney bilang pruweba na para sa Pilipino, walang nasasayang!

* * *

Monday, November 26, 2007

Masarap ba ang may sariling sasakyan?

Dahil binabasa mo ang blog na ito, malamang isa ka sa mga nangangarap magkaroon ng sariling sasakyan. Sawang-sawa ka na siguro sa pakikipagbuno sa ibang pasahero sa pagsakay sa dyip, FX o bus tuwing umaga’t hapon. Pagod na pagod ka na rin siguro sa pagpila sa LRT o MRT. At asar na asar ka na rin malamang sa mga pihikang taxi drivers na ayaw kang isakay.

Pero sandali lang – masarap nga ba ang may sariling sasakyan?

Oo, pag may sasakyan ka, tanggal lahat ang mga dati mong problema. Ikaw na ang hari ng mundo mo, ikaw na ang driver at ikaw pa ang pasahero. Puwede kang umalis kahit anong oras, at puwede kang dumaan kahit saang shortcut o long cut mo gusto.

Kapag may sarili ka nang sasakyan, mas maporma rin ang dating mo. Big time ang feeling At ang mga bebot, mas malapit sa iyo!

Super sarap nga ang may sariling sasakyan kung ganon!

Pero sabi nga sa pelikulang Spiderman, ang bawat kapangyarihan ay may kasamang responsibilidad. At sa pagkakaroon mo ng sariling sasakyan, nagkakaroon ka ng mga bagong problema na pumapalit sa mga gusto mong takasan. Heto ang ilan:

Una, tataas ang pang-araw-araw mong gastos. Kung dati ay pamasahe lang ang pinuproblema mo, ngayon pati pangkarga ng gasolina, pambayad sa mekaniko, pambili ng piyesa, langis, oil filter, fuel filter, gulong, baterya, rehistro, parking, at mga abubot na pampaganda ng kotse ay iisipin mo.

Ikalawa, hindi ka na puwedeng matulog sa biyahe. Kung dati ay uupo ka lang at maghihilik na habang tumutulo ang laway sa balikat ng katabi mo, ngayon ay hindi na. Dahil ikaw ang nagmamaneho, kailangan gising na gising ka. Kundi hindi, malamang ospital o sementeryo ang destinasyon mo.

Ikatlo, dahil ikaw ang nag-iisang may sasakyan sa barkada n’yo, ikaw na ang paborito ng grupo – paboritong gawing service! Hindi ka pa puwedeng magpahinga kung kelan mo gusto dahil magtatampo sa iyo ang mga kaibigan mo.

Ikaapat, mas maaga ka na dapat gumising. Hindi totoo na dahil may sasakyan ka na ay puwede ka nang umalis ng bahay kung anong oras mo gusto. Maiipit ka sa trapik. Kailangan may allowance ka para sa trapik na tumitindi kapag tanghali na at usad pagong tuwing Lunes, Biyernes, tag-ulan, Christmas season, araw ng suweldo o kapag suspended ang color coading.

At ikalima, kailangan may mahabang pasensya ka. Maraming tao ang kagaya mo na basta na lang bumili ng sasakyan nang walang ginawang pagsasanay o paghahanda. Kaya naman maski papaano na lang sila kung magmaneho. Kasama na diyan ang mga mababait na drivers ng dyip, bus at FX na tumitigil kahit saan para magsakay o magbaba ng pasahero. Dati’y hindi mo pinapansin ang mga ito. Isa ka pa nga sa mga pasaherong pumapara sa gitna ng kalsada – nainis ka pa nga nang binusinahan ka ng sasakyang nakabuntot sa dyip na binabaan mo.

Ngayon malalaman mo na ang pakiramdam ng driver ng sasakyan na bumusina sa iyo habang pababa ka sa dyip. At malalaman mo, haaay, mahirap pala ang may sasakyan!