Sunday, December 16, 2007

Pag-inom at pagmamaneho

Pitong tulog na lang, Pasko na! Tiyak kong marami sa atin ang dadalo sa mga Christmas party. At siyempre, sa karamihan ng party ay may inuman. Mapapainom tayo, tapos magmamaneho pauwi.

Makauwi kaya tayo nang ligtas?

Naitanong ko ito dahil kapag ganitong panahon, maraming kababayan natin ang naaaksidente. Ganito rin ang sitwasyon sa maraming lugar sa daigdig, lalo na sa Estados Unidos kung saan karaniwan nang dumadalaw sa kanilang mga mahal sa buhay ang mga tao tuwing Pasko. Marami ang naoospital – o namamatay – bago mag-Pasko. At ito ay dahil may mga tao na uminom, nalasing at nagmaneho.

Hindi ko na siguro kailangang isa-isahin pa ang dahilan kung bakit hindi dapat magmaneho kapag nakainom. Alam na marahil ninyo na kapag nakainom ang isang tao – kahit ilang boteng SanMig Light lang o kaya’y ilang shot ng Fundador – ang taong iyon ay nagiging mas agresibo, bumibigat ang paa sa selenyador ng kotse, kaya naman mas nagiging matulin ang sasakyan. Ang problema, ang alkohol na nagpapatapang ay siya ring nagpapabagal sa ating mga reflexes. Madalas, huli na bago natin makita ang concrete barrier, truck na nakaparada sa shoulder, o batang nagbibisikleta sa gilid ng daan.

Sa Amerika, taun-taon ay may kampanya na naglalabas ng mga babala upang paalalahanan ang mga nagmamaneho na huwag uminom. “Think Before You Drink Before You Drive” ang tawag sa kampanyang iyon. May mga advertisement sa TV, radyo at maging sa mga kalsada patungkol dito. Marami sa mga advertisements na iyon ay nakakatakot – may bangkay na sakay ng stretcher, may lalaking naparalisa at sinusubuan na lang para makakain, may batang umiiyak dahil ang tatay niya ay nakasagasa ng kapwa niya bata.

Wala siyempre sa atin ang may gustong mangyari ito sa atin o sa ating mga kamag-anak at kaibigan. Pero bakit marami ang ayaw pa ring papigil sa pagmamaneho matapos uminom?

Noong 1999, may isang lalaking matigas ang ulo na hindi napigil ang sarili na magmaneho matapos ang isang gabing lasingan sa sa party. Habang binabaybay ng lalaking ito ang South Expressway, muntik nang pumasok ang kotse niya sa isang mabagal na trailer truck na walang ilaw sa puwitan. Mabuti’t nakabig pa ng lalaki ang manibela pakaliwa. Yun nga lang, sumabit pa rin ang bubungan ng kotse niya sa trailer na nagresulta sa pagkatanggal ng bubungan at pagkabasag ng mga salamin ng kanyang kotse.

May misyon pa siguro sa mundong ito ang lalaking iyon kaya’t nakaligtas siya sa malagim na aksidente. Kapirasong galos lamang sa kamay dulot ng tumalsik na bubog ang tinamo ng lalaki. Nakauwi pa nga siya sakay ng kanyang naging topdown na kotse.

Kilalang-kilala ko ang lalaking iyon. Araw-araw ay nakakaharap ko siya kapag ako’y nananalamin. At ang payo niya sa lahat – huwag uminom kung magmamaneho.

Sakaling hindi talaga maiwasan ang pag-inom, narito ang ilang payo na maaari ninyong pag-isipan:

1. Huwag ka nang magdala ng sasakyan at mag-taxi na lamang o kaya’y makisabay sa pag-uwi. Siguruhin mo lang na hindi nakainom ang sasabayan mo.

2. Kung marami kayo, magtalaga ng designated driver. Ito yung magmamaneho para sa inyo. Ang designated driver na ito ay hindi iinom sa gabing iyon.

3. Kung dala n’yo naman ang sasakyan at talagang napaimom lang kayo, magpalipas na muna ng kalasingan bago umuwi. Di bale nang sa kotse ka makatulog at abutan ng kapaskuhan– kaysa naman magising ka sa ospital o kaya’y sa kabilang buhay!

Basahin ang iba pang kuwentong kalsada sa http://kuwentongkalsada.blogspot.com. Maari kayong mag-text ng komento’t katanungan sa 0918-9298790. Maging ligtas at makabuluhan nawa ang inyong Pasko!

Sunday, December 9, 2007

Manila Traffic Jam

Isang Pilipinong nakatira sa New York ang minsa’y nagbalik-bayan sa Pilipinas sa panahon ng kapaskuhan. Ang una niyang napansin ay ang masikip na daloy ng trapiko. Napaisip tuloy siya ng kanta tungkol dito. Narito ang kantang ginawa niya na katono ng “Walkin’ In A Winter Wonderland.”

Christmas rush, are you listnin'? In the lanes, cops are whistling. A horrible sight, another long night. Caught in a Manila Traffic Jam.

There's a jam in Ayala. There's a flood in Buendia. A bus cuts me here, a truck hits my rear. Caught in a Manila Traffic Jam.

Refrain: It will be this way until Tayuman. We'll see jeepneys stopped when they should go. We'll ask, "Nasiraan?" They'll say, "No man. Naghihintay lang ng pasahero!"

Later on, we'll perspire. As we fix our flat tire. We're movin' so slow, we can't seem to go. Caught in a Manila Traffic Jam.

Tunay ngang nakakainis ang trapik sa Metro Manila kapag magpapasko. Tila nadodoble ang bilang ng mga sasakyan lalo pa’t papalapit na ang Disyembre 25. At kahit pa sabihing panahon ng pagbibigayan, wala kang makitang bigayan na nagaganap sa mga naggigitgitang sasakyan.

Nakakalungkot tuloy isipin ang mga kababayan nating umaasa sa pamamasada ng jeep at bus. Dahil sa trapik, kahit pa maraming pasahero ay lumiliit ang kanilang kita. Magpapasko pa naman.

May solusyon pa ba sa ganitong problema?

Heto ang ilan sa mga puwede nating gawin:

1. Agahan ang Christmas shopping. Kung maaga mo natanggap ng 13th month pay o bonus, huwag mo nang huntayin na magbisperas ng Pasko bago ka mamili ng mga pangregalo. Kung aagahan mo ang pamimili, mas luluwag ang daloy ng trapiko.

2. Huwag nang makipagsiksikan sa Divisoria. Kung ilang piraso lang naman ang bibilhin mo, hindi ka rin makakatipid sa Divisoria dahil tiyak na hindi rin ka makakatawad nang malaki sa mga paninda doon. Sa pinakamalapit na mall ka na lang magpunta at siguradong hindi ka maaaburido sa dami ng tao.

3. Ihuli na ang Christmas party. Nagkakasabay-sabay ang Christmas party sa ikalawa at ikaapat na linggo ng Disyembre. Kaya naman hanggang hatinggabi ay tila parking lot ang ating mga kalsada. Kung ako sa inyo, ihuhuli ko na lang ang schedule ng Christmas party ng kumpanya. Baka nga mas magandang New Year’s party na para may regalo ka pang matatanggap kahit tapos na ang Pasko.

4. Mamasyal sa ibang lugar. Maraming magandang pasyalan na hindi matrapik at hindi magastos. Kung may mga anak ka, dalhin mo na lang sa park o kaya’y ipasyal sa labas ng Maynila. Masarap magpicnic sa Tagaytay pag ganitong panahon. Hindi matrapik at kakaibang experience ito sa iyong mga anak.

At panghuling payo, manatili na lamang sa bahay kung walang gaanong importanteng lalakarin. Ang problema kapag ganitong panahon, maraming sasakyan ang nasa kalsada na wala naman talagang mahalagang sadya. Kung maaalis ang mga sasakyang ito, mas luluwag ang daloy ng trapiko.

Sunday, December 2, 2007

Papaano mag-test drive ng 2nd hand na kotse?

Kasama sa pagbili ng kotse ang pagti-test drive. Ito yung mamanehuhin mo na ang oto para malaman kung maayos ba ito o swak ba ito sa panlasa mo. Maraming bumibili ng kotse ang bumabagsak sa aspetong ito kaya naman marapat lamang na ito ang maging paksa ng ating kuwentuhan sa araw na ito.

Narito ang siyam na bagay na dapat tandaan:

1. Buksan ang inyong isipan. Hindi porke’t maganda ang pintura, maayos ang loob, at mababa ang milyahe ay sigurado mo nang maayos ang kotse. Magdesisyon lamang kung pumasa ang kotse sa test drive.

2. Magkaroon ng sukatan. Kung nakasakay ka na ng bagong kotse, alam mo kung ano ang tunog at pakiramdam kapag minamaneho mo ito. Kung hindi naman, puwede kang mag-rent ng kotse sa rent-a-car at malalaman mo kung ano ang takbo ng isang maayos na kotse. Kung talagang hindi mo alam kung ano ang dapat hanapin sa kotse, magsama ka na lang ng marunong. Tiyak kasi na maloloko ka lang ng nagbebenta.

3. Inspeksyuning mabuti ang kotse bago i-test drive. Itaas mo ang hood. Tingnan ang langis, coolant, brake fluid, clutch fluid, power steering fluid, etc. Tingnan kung sapat ba ang mga ito at kung ano ang kulay. Kung brown na ang coolant, malamang na puro kalawang na ang radiator, Para malaman mo kung ano ang tamang hitsura ng mga fluids na ito, sumilip ka sa mga bagong oto. Suriin mo rin ang mga fan belts at hose kung makapal pa ang mga ito. Napakahalagang tingnan kung may mga tulo ng langis sa mga gilid ng makina. Silipin ding mabuti ang pang-ilalim ng kotse at tingnan kung may mga tulo doon. At silipin mo ang tambutso kapag pinaandar mo na ang kotse. Pag maitim ang usok, malamang may problema na ang makina.

4. Isulat lahat ng obserbasyon. Magdala ka ng notebook at ballpen at isulat lahat ang problemang masisilip mo. Ilatag ang mga ito at ikumpara. Matutulungan ka nito sa pagdedesisyon sa kotseng karapat-dapat mong bilhin.

5. Huwag magmadali. Ang 10 minutong test drive ay walang saysay. Alukin mo ang nagbebenta na babayaran mo ang gasolina at bibigyan siya ng pang-carwash basta pumayag lang siya na ipa-test drive sa iyo ang sasakyan sa loob ng 30 minuto. Kailangan mong pag-initing mabuti ang makina, idaan ang kotse sa mga paahon at malubak na kalsada, at itakbo iyon nang medyo matulin para lubos mong makilala. Kung hindi pumayag ang may-ari, mas maganda sigurong humanap ka na lang ng ibang kotse.

6. Patayin ang radyo at buksan ang mga bintana. Hindi sound system ang sinusuri mo. Kailangan mong marinig ang tunog ng makina at pang-ilalim ng kotse habang tumatakbo. Kung may kalampag o langitngit kang marinig, isulat iyon sa iyong kuwaderno at ikonsulta muna sa mekaniko bago magdesisyon na bilhin ang kotse.

7. Imaniobra ang kotse sa masikip na lugar. Sinusuri mo rito ang mga bahagi ng sasakyan na may kinalaman sa pagliko. Malalaman mo lamang kung may problema na ang mga ito kung isasagad mo ang liko at paaandarin ang kotse. Kung may maglagutukan, malamang na may problema na ang mga ito.

8. Maging consistent sa test drive mo. Ang ginawa mo sa isang sasakyan ay dapat gawin mo rin sa iba. Dito mo lamang maikukumpara nang tama ang lahat ng kotseng ite-test drive mo.

At 9. Humingi ng 2nd opinion. Maaaring pasado na sa iyo ang kotse pero para makasigurado, magsama ng isang kakilala na mas may alam sa kotse kaysa sa iyo. Kung papayag ang nagbebenta, idaan mo sandali ang sasakyan sa talyer o gasolinahan na may service bay. Ipataas mo ito sa lifter para mas masilip mo ang ilalim. Sa ganitong paraan mas masusuri mong mabuti ang binibili mo.

* * * *

Papaano bumili ng 2nd hand na kotse?

May mga bagay sa buhay na masarap bilhin nang bago. Una siyempre ay ang bagong bahay. Wala nang tatalo pa sa sarap ng pakiramdam sa paglipat sa bahay na bagong gawa at amoy pintura pa. Ikawalang masarap bilhin ay ang bagong kotse. Aminin mo man o hindi, tiyak na nangangarap ka rin makabili ng bagong kotse balang araw.

Ibang-iba ang amoy ng bagong kotse. Hindi mo siguro alam pero ang amoy ng bagong kotse ay dulot ng kemikal na iniispray habang ginagawa ang kotse sa pabrika. Top secret ang kemikal na ito. Kaya naman mga bagong kotse lang ang talagang nagtataglay ng ganitong amoy.

Karamihan sa atin ay sa pangarap na lang siguro magkakaroon ng bagong kotse. Hindi ko kayo hihikayatin na bumili ng bagong sasakyan sa pamamagitan ng utang. Sa car loan kasi ay lugi ang bumibili. Nagbabayad na siya ng interest, bumababa pa ang presyo ng kanyang binili dahil sa depreciation.

Pagbili ng second hand na kotse ang paksa ng kuwentuhan natin ngayon. Papaano nga ba bumili ng segunda manong oto?

Unang kailangan mong alamin sa pagbili ng segunda manong sasakyan ay magkano ba ang kaya mong ibayad sa kotse. Kung P50,000 lang ang budget mo, mas kakaunti ang options mo. Puwede kang maghanap ng mga Lancer na box-type o kaya’y Corolla DX o liftback. May nakikita pa akong mga kotseng ganito sa kalsada. Puwede ka ring bumili ng Volkswagen Beetle. Classic na ito ngayon at hindi ka mapapahiya kahit sa magagandang malls ka magpunta. Kaya nga lamang, dahil sa katandaan ay tiyak na marami-rami ka na ring ipagagawa. Makakatiyempo ka pa rin naman ng mga alagang-alaga. Medyo mataas-taas nga lang ang presyo.

Sa pagitan ng P100,000 hanggang P150,000 marami-rami ka nang puwedeng mapili. Mga ‘90s na oto na yan na puwedeng Lancer, Corolla o Sentra. May mabibili ka na ring Toyota Tamaraw o Nissan Vanette sa ganyang presyo.

Kapag nakapili ka na ng kotseng bibilhin mo, pag-aralan kung ano ang “going rate” nito sa merkado. Ang ibig sabihin, magkano ba kadalasan ang bentahan ng ganitong kotse sa classified ads? Pumili ka lang ng mga lima o anim na ibinebentang kotse na tipo mo, sa presyong swak sa budget mo, at isa-isahing tawagan ang mga nagbebenta nito. Heto ang ilan sa mga dapat mong alamin sa pagbili mo:

1. Kumpleto ba ang papeles ng sasakyan? Puwedeng mura ang kotseng binebenta, pero carnapped pala. Masakit sa ulo ang ganitong problema.

2. Nabangga na ba ang sasakyan? Umiwas sa mga kotseng may malungkot o malagim na karanasan. Umiwas din sa mga sasakyang malas. Sakaling magsinungaling ang may-ari ng kotse at sabihing wala pang aksidente ang sasakyan niya, inspeksyuning mabuti ang kaha ng kotse. Silipin ang mga dugtungan sa loob, lalo na sa bahagi ng makina at gilid ng compartment. Kung may mga welding kang makita, tiyak na niretoke na lamang ang kotseng yan. Humanap ka na lang ng iba.

3. Anu-ano na ang napalitan sa sasakyan? May lifespan ang bawat bahagi ng sasakyan. Halimbawa, ang timing belt ay kadalasang tumatagal lamang ng 80,000 kilometers. Kung sabihin sa iyo na hindi pa siya nagpalit ng timing belt at nasa 90,000 kilometers na ang milyahe ng oto, magtanong ka muna sa talyer kung magkano aabutin ang pagpapalit ng ganitong piyesa. Baka kasi mas mapamahal ka.

4. Bakit binibenta ang kotse? Wala sa atin ang gustong bumili ng sakit ng ulo ng iba. Kapag sinabi sa iyo ng nagbebenta ng kotse na ilang buwan pa lang sa kanya ang kotse niya, kwidaw ka na. Malamang na nakabili ng sakit ng ulo ang taong ito at nais na niyang ipasa ito sa iyo.

Pinakamagandang bumili ng kotse sa isang taong kakilala mo. Mas maganda kung mag-aabang ka na ibenta ang kotse na alam mong inalagaan ng isang kaibigan. Matutuwa rin ang kaibigan mo dahil ipapasa niya ang sasakyang minsan niyang minahal sa kaibigan na alam niyang mag-aalaga at magmamahal din dito.

Sa susunod na Martes ay pagkuwentuhan natin kung papaano mag-test drive ng segunda manong oto. Kung may mga katanungan po kayo patungkol sa motoring, mag-text lamang sa 0918-9298790.

* * * *

Tumutok sa programang Sigurado Ka, ang kaisa-isang programa sa radyo na tumatalakay sa mga isyu ng insurance. Tuwing Sabado, alas dose hanggang ala una ng tanghali sa DWIZ, 882khz sa AM. Sigurado Ka, dito ikaw ang bida!