Sunday, December 2, 2007

Papaano mag-test drive ng 2nd hand na kotse?

Kasama sa pagbili ng kotse ang pagti-test drive. Ito yung mamanehuhin mo na ang oto para malaman kung maayos ba ito o swak ba ito sa panlasa mo. Maraming bumibili ng kotse ang bumabagsak sa aspetong ito kaya naman marapat lamang na ito ang maging paksa ng ating kuwentuhan sa araw na ito.

Narito ang siyam na bagay na dapat tandaan:

1. Buksan ang inyong isipan. Hindi porke’t maganda ang pintura, maayos ang loob, at mababa ang milyahe ay sigurado mo nang maayos ang kotse. Magdesisyon lamang kung pumasa ang kotse sa test drive.

2. Magkaroon ng sukatan. Kung nakasakay ka na ng bagong kotse, alam mo kung ano ang tunog at pakiramdam kapag minamaneho mo ito. Kung hindi naman, puwede kang mag-rent ng kotse sa rent-a-car at malalaman mo kung ano ang takbo ng isang maayos na kotse. Kung talagang hindi mo alam kung ano ang dapat hanapin sa kotse, magsama ka na lang ng marunong. Tiyak kasi na maloloko ka lang ng nagbebenta.

3. Inspeksyuning mabuti ang kotse bago i-test drive. Itaas mo ang hood. Tingnan ang langis, coolant, brake fluid, clutch fluid, power steering fluid, etc. Tingnan kung sapat ba ang mga ito at kung ano ang kulay. Kung brown na ang coolant, malamang na puro kalawang na ang radiator, Para malaman mo kung ano ang tamang hitsura ng mga fluids na ito, sumilip ka sa mga bagong oto. Suriin mo rin ang mga fan belts at hose kung makapal pa ang mga ito. Napakahalagang tingnan kung may mga tulo ng langis sa mga gilid ng makina. Silipin ding mabuti ang pang-ilalim ng kotse at tingnan kung may mga tulo doon. At silipin mo ang tambutso kapag pinaandar mo na ang kotse. Pag maitim ang usok, malamang may problema na ang makina.

4. Isulat lahat ng obserbasyon. Magdala ka ng notebook at ballpen at isulat lahat ang problemang masisilip mo. Ilatag ang mga ito at ikumpara. Matutulungan ka nito sa pagdedesisyon sa kotseng karapat-dapat mong bilhin.

5. Huwag magmadali. Ang 10 minutong test drive ay walang saysay. Alukin mo ang nagbebenta na babayaran mo ang gasolina at bibigyan siya ng pang-carwash basta pumayag lang siya na ipa-test drive sa iyo ang sasakyan sa loob ng 30 minuto. Kailangan mong pag-initing mabuti ang makina, idaan ang kotse sa mga paahon at malubak na kalsada, at itakbo iyon nang medyo matulin para lubos mong makilala. Kung hindi pumayag ang may-ari, mas maganda sigurong humanap ka na lang ng ibang kotse.

6. Patayin ang radyo at buksan ang mga bintana. Hindi sound system ang sinusuri mo. Kailangan mong marinig ang tunog ng makina at pang-ilalim ng kotse habang tumatakbo. Kung may kalampag o langitngit kang marinig, isulat iyon sa iyong kuwaderno at ikonsulta muna sa mekaniko bago magdesisyon na bilhin ang kotse.

7. Imaniobra ang kotse sa masikip na lugar. Sinusuri mo rito ang mga bahagi ng sasakyan na may kinalaman sa pagliko. Malalaman mo lamang kung may problema na ang mga ito kung isasagad mo ang liko at paaandarin ang kotse. Kung may maglagutukan, malamang na may problema na ang mga ito.

8. Maging consistent sa test drive mo. Ang ginawa mo sa isang sasakyan ay dapat gawin mo rin sa iba. Dito mo lamang maikukumpara nang tama ang lahat ng kotseng ite-test drive mo.

At 9. Humingi ng 2nd opinion. Maaaring pasado na sa iyo ang kotse pero para makasigurado, magsama ng isang kakilala na mas may alam sa kotse kaysa sa iyo. Kung papayag ang nagbebenta, idaan mo sandali ang sasakyan sa talyer o gasolinahan na may service bay. Ipataas mo ito sa lifter para mas masilip mo ang ilalim. Sa ganitong paraan mas masusuri mong mabuti ang binibili mo.

* * * *

2 comments:

Unknown said...

Nabasa ko un blog mo sir, actually nakabili ako ng Chevrolet Epica 2005 sa isang serian guy, unang test drive ko ok nmn cia, nun nabili ko na sa kanya un car, umaandar siya peru nammatay tapos pag kumanan ka nammtay un makina, pinatingin ko sa mekaniko sira ang cranshaft sensor, camshaft sensor,me tagas ang langis at naghalo sa gasolina,me bangga ang unanhan at likurin kc nakita ko sa loob ng compartment me welding, tapos d gumagana ang 2 bintana, tapos sira pa ang gear, sakit ng ulo ko, banili ko ng 120 thou, at pinaayos ko gumastos ko ng 30 thou at nun naayos na benenta ko agad kaso lugi ko dahil nabenta ko lng ng 80 thou. nextym alam ko na!

Unknown said...

Ask ko lang po pag bago po ang sakyan, tama po bang sundin ang mag break-in.. o ipaharurot ang makina once na ilabas na sa bilihan ng sakyan...thanks