Dati akong nagmomotor. Sinasabi kong dati dahil ibinenta ko na ang aking motorsiklo – isang big bike na Honda CB 750. Nagpagawa kami ng bahay kamakailan at para ipandagdag sa gastos, ibinenta ko muna si “CB” (ito ang palaway na ibinigay ko sa aking motorsiklo). Medyo masakit na bitiwan ang isang sasakyang gustung-gusto mo.
Pero kailangan ko siyang bitiwan.
May isang napakaimportanteng rason ang nagtulak sa akin para idispatsa si CB at kalimutang panandali ang pagmomotorsiklo. Minsang umuwi ako nang gabing-gabi (tumirik kasi si CB sa expressway), nadatnan kong nagmumukmok ang aking asawa. At napansin ko na parang kakaiyak lang niya.
“Anong nangyari?” tanong ko. “Wala,” ang sagot niya, halatang may ikinukubli. Nagpumilit ako. Kailangan kong marinig ang naiisip niya. Mga ilang minuto pa ay nagsalita na siya.
“Ang selfish mo kasi eh. Ang selfish niyang pagmomotor mo!” ang bulalas niya. Natulala ako. Hindi ako makapniwala. Papaanong nagging “selfish” ang pagmomotor ko? Isang mahabang litanya ang isinagot niya:
“Hindi mo na inisip ang pakiramdam ko sa tuwing magmomotor ka. Kung puwede lang mamatay sa nerbiyos, namatay na siguro ako. Hindi mo na inisip kami ng mga anak mo. Papaano kung may mangyari sa iyo? Oo, nag-iingat ka pero papaano kung iyong ibang sasakyan ang bumunggo sa iyo? Papaano na kami?”
Ibinenta ko si CB. Nang makaluwag-luwag ay kumuha ako ng life insurance. Pero sa tuwing may makakasabay ako ng nagmomotor sa SLEX, naiisip ko pa ring magmotor.
No comments:
Post a Comment